Ginawa ng Zamboanga Family’s Brand Sardines ang lahat upang mapilit ang Game 5 ng MPBL Finals. Subalit wala silang nagawa kontra sa Nueva Ecija Rice Vanguards na tinapos ang ika-apat na OKBET-MPBL season bilang national champs.
Pinakita ng Rice Vanguards ang maturity ng kanilang grupo matapos silang pigilan ng Zamboanga sa pagkuha ng sweep. Sinigurado nila sa larong ito na hindi na nila kailangang bumalik papuntang Nueva Ecija para maglaro ng Game 5.
Ang Finals MVP na si John Michael Villarias ang nagdala para sa Nueva Ecija. Tinapos niya ang laro na may team-high 14 points, sampung rebounds, at dalawang steals. Habang hindi siya asintado mula sa tres, siya ang umiskor ng dalawa sa anim na three-point field goals ng team.
Nagsimulang mahigpit ang laban sa pagitan ng Nueva Ecija at Zamboanga. Ginamit ng Zamboanga ang kanilang homecourt advantage at tinapos ang unang quarter sa iskor na 15-15.
Subalit natapos ang laro at ang series noong umiskor ng 14 na dire-diretsong puntos ang Rice Vanguards upang simulan ang second quarter. Maraming MPBL fans ang magsasabi na masayadong natagalan si Zamboanga coach Vic Ycasiano sa pagtawag ng timeout. Ginugol ng Zamboanga ang buong laro sa paghabol sa Nueva Ecija.
Maliban kay Villarias, may dalawang Mikes na gumawa para sa Rice Vanguards. Mahusay na all-around player si Michael Mabulac na nagtamo ng 10 points, 11 rebounds, at apat na assists. Samantala, si Michael Juico naman ay may 11 points.
Ang kampeonato ng Nueva Ecija ay panilma ni Coach Jerson Cabiltes sa iba’t-ibang liga. Nanood ang Nueva Ecija team owner na si Bong Cuevas, Palayan City Mayor Rianne Cuevas, at pamilya ng mga manlalaro upang makisaya sa kanila.
Nadali ang Zamboanga ng Pangit na Shooting
May pagkakataon sana ang Zamboanga na mapilit ang Game 5 sa MPBL Finals kung hindi lamang sila pumalya sa opensa. Hindi na nila nagawang habulin ang lamang ng Nueva Ecija, at sila Jaycee Marcelino at Chris Dumapig lamang ang mga player na may higit sa 40% field goal percentage.
Si Marcelino, na nakapagtala ng 17 points, ay ang may pinakamataas na nakuhang puntos sa laro. Hindi umubra ang Game 3 hero na si Ralph Tansingco; isa lamang sa pito niyang three-point shots ang pumasok.
Si Jayvee Marcelino naman ay nangamote pagkatapos ng kanyang 22 points sa Game 3. Tinapos niya ang MPBL season na may pitong puntos at 11% shooting.